Paano ko nga ba makakalimutan ang
isang tasang kape at ilang piraso ng pandesal?
Maaga pa lang ay ginigising na
ako para kumain ng mainit na pandesal. Mas pinili kong ipagpatuloy na matulog
kaya lagi na akong tanghali kung nagigising. Paggising ko ang unang-unang
makikita ko ay isang balot ng pandesal sa aking tabi-na sinadyang inilaan para
sa'kin. Sisimangot ako kapag alam kong kakain akong mag-isa.
"Kanina ka pa namin ginigising
ah. Ayaw mo namang bumangon." yun ang lagi nilang katwiran.
Sisimangot ako at itatapon ko ang
pandesal.
"Ang daya nyo ! Di na nga ako kakain."
Ganun ako lagi
kapag nauuna silang kumain sakin. Kapag naman may pasok ako sa school, syempre maaga na akong nagigising. Ako naman ang taga-timpla
ng kape ni Tatay. ‘Di rin sya kakain hangga’t ‘di ko siya titimplahan ng kape.
Ganun sya araw-araw. Kape’t pandesal lang ang laging laman ng kanyang sikmura.
Isang araw,
walang nagtinda ng pandesal kaya bumili na lang si Nanay ng tinapay. Nang
maibigay na nya yun kay Tatay ay ayaw naman na kainin. Hindi raw nya gusto.
Pihikan kasi sa pagkain.
“Tinapay
lang, ayaw kainin. Magrereklamo pa. Hay naku! Ang arte-arte talaga nyang Tatay
mo.” Reklamo ni Inay.
Tiningnan ko
ang tinapay at inamoy. ‘Di naman panis.
“Tay, bakit ayaw mong kainin
ang tinapay na binili ni Nanay?”
“Ayoko. May amoy eh.”
“Bibilhan na lang kita ng
iba.” Suhestyon ko pa.
“Hindi, ‘wag na. Magkakape
na lang ako.”
Halos ilang linggo
rin na walang rasyon ng pandesal sa amin. At sa loob ng linggong yun, isang
beses lang sa isang araw na nakikita kong kumakain si Tatay.
“Kahit ‘di ako kumakain,
malakas pa naman ako, ah!” yun ang lagi niyang sinasabi sa’kin. Pero hindi
mawala sakin ang pag-aalala sa kalagayan niya. Minsan, dumating ako galing
school at nadatnan ko siya sa bukid. Ubo siya ng ubo. Walang tigil. Nilapitan ko
siya. Hinaplos-haplos ko ang likod niya. Nararamdaman kong hirap na hirap na
siya. Pinaalis niya ako.
“Sige na. Iwan mo na ako.”
“Tay.......” nag-aalalang tawag ko.
“Ayos lang ako, anak.”
Nang sumunod
na araw, parang matamlay siya. Halatang pinapasigla niya ang kanyang boses at
mga kilos. Minsan, tatanungin ko siya.
“Tay, ba’t ‘di kayo
magpadoktor?”
“Ayoko, anak. ‘Yang mga doctor
na yan, peperahan lang tayo nyan. Sisingilin tayo ng mahal at reresetahan ng
mamahaling gamot. Naku!Niloloko lang ng mga yan ang mga tao.” Iyon ang lagi
niyang katwiran. Kaya hindi na naming siya mapilit. Masyado kasing pilosopo ang
Tatay ko. May sarili siyang pinaniniwalaan.
“At isa pa, wala akong sakit.
Tingnan mo naman, malakas na ako!” masigla pa niyang sabi sa’kin. Simula nung
araw na yun ay lagi na siyang masigla at pinapakita niyang malakas siya.
Isang araw, nakalimutan kong
timplahan siya ng kape at sabayan kumain. Maging nung nakaraang gabi ay mas
nauna akong natulog sa kanya. Dapat ay sabay kami pero hindi ko alam kung bakit
hindi ko siya nahintay. Hindi na rin kami nagkasabay kumain ng pandesal. Nasa
school ako at naalala kong hindi siya nakakain nang dahil sakin. Wala ring
dumaang nagtitinda ng pandesal. Ang natira kong kaunting baon ay ibinili ko na
lang ng isang malaking tinapay para sa kanya. Pasalubong ko sa kanya para
makakain na siya.
Sabik akong umuwi. Inisip
kong pagdating ko ay ipagtitimpla ko kaagad siya ng kape para makakain na. Nang
makarating na ako sa amin, agad kong kinuha ang pasalubong kong tinapay at
masayang pumanhik. Nawala ang ngiti ko sa aking mga labi. Hindi ko namalayan na
nabitawan ko na ang bitbit kong tinapay. Naramdaman ko na lang na sunod-sunod
na pumatak ang aking mga luha.
“Tay,..... gusto mo......
ipagtimpla kita....... ng....... kape?” paputol-putol kong tanong. “M-May dala
akong tinapay para sa’yo....”nahihirapan kong sabi sa kanya. Hanggang sa hindi
na ako nakapagsalita. Humagulgol na ako. Masakit na masaki ang aking dibdib. At
tinanong ko ang Diyos: “Bakit?”
Muli ay napaiyak ako. Wala ng
kakain ng pandesal at iinom ng kape tuwing umaga...Sapagkat wala na ang
pinakamamahal kong Tatay...wala na siya habang buhay.-----
originally written: May 6, 2004
0 comments:
Post a Comment