Welcome to my blog, hope you enjoy reading
RSS

Pages

Sunday, January 13, 2013

COLOR WHEEL







“PINK SHADOW”

        Kinamumuhian ko ang kulay pink. Sino ba naman ang magkakagusto sa ganung klaseng kulay. Maputla. Mapusyaw. Kaiba. Mahina. Weirdo. Simbolo ng pagiging sobrang feminista.
 Makakita lang ako ng pink dati eh halos masuka na ako. Lagi akong kontra sa pink. Ano pa-girl? Pa-virgin effect? Halos kilabutan ako sa kulay na yun. Hindi kagaya ng paborito kong kulay na red. Sobrang tapang, malakas ang dating at makapangyarihan. Iyon ang kulay na gusto ko. Ang nagsisimbolo sa katauhan ko. Yung tipong kulay na hindi basta basta natitinag. Yung walang soft side.
Naalala ko nung nasa second year high school ako . Sobrang makulay ang buhay ko. Simple ang pamumuhay namin. Sabihin na nating mahirap kami. Tatlong beses kumain sa isang araw ay sapat na. Ang nanay ko nag eekstra lang sa paglalaba. Ang tatay ko minsan karpintero, panday, magsasaka, albularyo, manghihilot o kahit anong trabahong alam niya ay  pinapasok niya. Wala na akong mahihiling pa basta ang alam ko kami ang pinakamasayang pamilya.

          Tandang-tanda ko pa. Pauwi ako noon galling sa school. May dala akong pasalubong na tinapay kay Tatay. Katatapos lang naming magsimba. Naging choir kasi kami sa simbahan. Nagdasal ako ng taimtim ng araw na yun. Hiniling ko sa Diyos na sana bigyan pa niya ng mahabang buhay ang mga magulang ko para matagal ko pa silang makakasama. Para makita nila ang pagpupursige ko sa pagtupad ng aking pangarap. Wala akong ibang inspirasyon sa buhay kundi sila lang.

          Pagdating ko sa bahay binigay ko agad ang pasalubong kong tinapay kay Tatay. Nagtaka ako kung bakit hindi niya yun kinain agad. Nung gabi ring yun ay nauna akong natulog kesa sa kanila. Sa sobrang himbing ng tulog ko ay bigla akong nagising. Isang nakakabahalang boses ni Nanay. Napabalikwas ako ng bangon habang naririnig ko ang malakas na ungol ni Tatay. Hindi ko na maexplain ang garalgal na boses ni Nanay habang ginigising nya si Tatay. Bigla na rin akong hindi makagalaw sa aking kinatatayuan. Nakita ko ang unan ni Tatay, punong-puno iyon ng dugo. Sobrang sakit ng nararamdaman ko noon. Halong pangamba, pag-aalala, takot at lungkot ang naramdaman ko. Halos gumuho ang buhay ko.

        Sobrang sakit. Walang kasing sakit nung iniwan kami ni Tatay. Yun ang kauna-unahang heartbreak ko. 


       “BLACK AND WHITE”


                                Wala na akong kilalang ibang kulay bukod sa black at white. Simula nung nawala si Tatay, itinago ko na at kinalimutan ang kulay red. Kinasusuklaman ko na ang kulay na yun. Ni sumagi sa balat ko ay nasasaktan ako. Kapag nakakakita ako ay sobrang sakit sa aking mga mata. Napapaluha ako. Simula nun, tinanggal ko na sa color wheel ang kulay red. Buong buhay ko ay tila naging black at white lang lahat.
          Halos nawala na ang masayahing ako. Lahat ng pangarap ko ay biglang naglaho sa isang iglap. Ang pagiging writer ko ay napasawalang kwenta. Hindi na mababasa pa ni Tatay ang bawat akda ko. Wala na rin akong lakas pa para tumakbo. Kumalas na ako sa running team. Pati sa softball, wala na akong lakas pa para humataw ng bat at tumakbo. Pati sa classroom- ang bawat exams ko ay tipong black and white na rin. Buong silid. Mula sa white board at mga upuan. Kurtina at mga decorations sa loob ng room. Nako color blind ako. Ang tingin ko sa red ay itim.
          Grumaduate ako sa high school na masama ang loob. Commencement exercise na noon at awarding. Lahat ng mga magulang ng classmates ko andun na lahat. Medals nila na sagot ng sponsor ay nakaready na. Samantalang ako nagkandahaba haba ang leeg ko sa pag-asang dumating si Nanay. Wala akong nakikitang pag-asa habang papalapit ang awarding ceremony.
          Naiiyak ako habang naaalala ang pangarap ko noon. Sabi ko kay Tatay noon: “Tay, pag grumaduate ako ng high school, gusto ko ikaw ang aakyat sa stage. Ikaw ang sasabit ng medal ko ha?”. Agad naman pumayag si Tatay noon kaya lalo ako nagpursige sa pag-aaral. Kasi alam ko sobrang proud niya sa bunso nya. Alam ko na sa tuwing may sinusulat ako sa dyaryo ng school namin ay pinagmamalaki niya yun sa mga kaibigan niya.
          Hindi ko makalimutan noong unang pagkakataong narelease ang first issue namin ng school paper. Nagkakape siya noon at gusto ko siyang sorpresahin. Binigyan ko siya ng school paper namin. Ang hindi niya alam, isa ako sa mga staff writer nun. Hinayaan ko siyang mabasa niya ang sinulat ko. Palihim ko siyang sinulpayan. Doon ko nakita ang super proud niyang pakiramdam at masaya niyang mukha. Tinawag niya ang kuya ko at ipinabasa niya ang sinulat ko. Bawat taong pumasok sa bahay namin ay pinapabasa niya ng school paper. Tsaka nya babanggitin na: “Writer ang anak ko dyan.”
          Pumatak na ang luha ko. Aakyat ako sa stage na wala siya. Hindi na niya nabasa pa ang bawat tulang sinulat ko at bawat akdang napanalunan ko. Hindi na niya nakita ang bawat medalyang maiuuwi ko. Tinawag na ako ng adviser namin. Hinahanap na ang magulang ko. Sabi ko wala pa. At kapag walang dumating, siya na lang ang proxy. Pumayag naman siya.
          Halos maiyak na ako sa nararamdaman ko nun. Pero hindi ako nagpahalata. Malapit na akong tawagin pero wala pa rin ni isa sa pamilya ko ang dumating. Hindi ko maintindihan kung bakit nasasaktan ako kapag nakikita ko ang mga classmates ko, kumpleto ang pamilya nila nung araw na yun. Andun ang mga magulang nilang sobrang supportive sa kanila. Ako ni isa man lang, wala.
          Nung tinatawag na ako para umakyat sa stage, tsaka ko nakita ang Kuya ko na nagmamadali. Siya na ang nagproxy kay Nanay. Naging hindi yun memorable para sakin. Umakyat lang kami sa stage. Sinabitan ng medal. Ngumiti kahit hindi Masaya. Nagpapicture. Yun lang para matapos na. Pag-uwi ko ng bahay, kung ang mga kaklase ko ay pinaghandaan ng mga pamilya nila, sakin walang nangyari. Pang aasar pa ng Kuya ko ang natanggap ko. Pinaalala nila na hindi man lang si Tatay ang nagsabit sa akin ng medal. At kahit paborito akong anak ni Tatay, ni minsan hindi siya umakyat sakin sa stage. Bigla na tumulo ang luha ko at hinagis ko ang medal sa sama ng loob.



 “GREEN-MINDED”

          Mabilis na lumipas ang panahon. Andami na ring nangyari sa buhay ko simula nung high school. Sobrang haba pa pag kinuwento ko pa. To make the story short, after 7 years doon ko sinimulang mahalin ang kulay green.Hindi ko naman inakala noong una na sobrang mamahalin ko ang kulay green. Hindi naman kasi talaga ako green-minded na tao.
          Hindi ko lang makalimutan ang unang pagkakataong nakita ko siya. Napatingin ako sa kanya sa kulay green niyang jacket. Tiningnan ko ang panloob niyang damit at naka T-shirt siya na kulay green. Napatingin ako sa paa niya at nakita ko ang tsinelas niyang green. Pati ang kulay ng bag niya ay green. Nung uso pa ang Friendster nun pati profile niya ay kulay green. Nagtataka nga ako kung bakit ang bawat buga niya ng usok ay hindi kulay green.
          Suplado siya at tahimik. Bihira magsalita. Samantalang ako naman ay maingay at masayahin. Hindi niya ako pinapansin nung panahon na yun kaya hindi ko rin siya pinapansin. Kapag hindi niya ako kinausap ay hindi ko rin siya kakausapin. Parehas kaming working student. Pero magkaiba ang mundo namin. Mayaman sila at mahirap kami. Nag-aaral siya sa private school, ako sa public lang. Nagpatuloy ako sa pag-aaral ko at siya naman ay tumigil. Dancer siya sa school nila, writer naman ako. Mahilig siya sa party, konyo type samantalang ako manang na jologs. Hindi ko inaasahan na paggising ko isang araw ay magkaibigan na kami.
Hindi lang simpleng kaibigan kundi naging super close.
          Magkaofficemate kami sa isang green-minded na trabaho. Pang-umaga ang shift ko habang siya naman ay panggabi. 5am hanggang 2pm ang pasok ko habang siya naman ay 3pm hanggang 12mn. Pero nagpapang abot kami ng shift dahil nageextend siya ng oras. Hinihintay nya kami hanggang uwian. Madalas almost 24 hours na siya sa office. Halos dun na siya natutulog. Spoiled brat kasi at puro parties ang alam. Happy-go-lucky na hindi mo alam kung bakit rebelde sa mundo. Akala mo kung sinong astig.
          Naalala ko pa nun ang sabi niya sakin ay 21 years old na siya. Huli ko na nalaman na 18 years old pa lang pala siya noon. Tinatawag niya akong “Ate” nung una. Pero nung katagalan wala na. First name basis na lang. Nagising na lang kami isang araw na sobrang close na sa isa’t isa. Naging magbestfriend kami.
          Hindi ko siya makalimutan sa lahat ng kaibigan ko. Siya ang naging supporter ko: sa financial na usapin, sa emotional, psychological,physical at mental. Sa lahat ng panahon andyan siya. Ni hindi ko naramdaman na iniwan niya ako sa ere. Yung mga panahong nagsara ang kumpanya ay hindi siya nakalimot. Nung mga panahong namatay ang Nanay ko siya ang unang taong gustong damayan ako.
          Isa din yun sa pinakamasakit na nangyari sa buhay ko ang pagkawala ni Nanay. Nagbakasyon kami nun sa probinsya after 6 years kong pananatili dito sa Maynila. Yun ang unang uwi ko samin pagkatapos kong grumaduate ng high school. Hindi ko inakalang yun din pala ang una’t huling pagkakataong makita at makasama ko si Nanay pagkatapos ng ilang taon kong pagkawala.
          Isang buwan ang nakalipas pagkagaling namin sa probinsya. Nagtext ang mga Kuya ko na nagkasakit si Nanay. Syempre lahat ginawa namin para mabuhay siya.Dinala namin sa isang private hospital. Dun mismo sa bayan. Bumalik na naman sa puso ko ang takot at pangamba. Mahirap sa case ko kasi nag-aaral ako at nagtatrabaho. At pinakamasakit na part yung tipong hindi ko man lang maalagaan ang sarili kong Nanay. Kagaya ng sabi ko noon sa kanya: “Nay, ‘pag matanda na kayo, hayaan mong ako naman ang mag-alaga sa inyo…”
          Hindi ko makakalimutan kung paano ako naging hysterical sa buong buhay ko. Tinawagan ako ng Nanay Nanayan ko na ihanda ko ang aking sarili kasi anytime mawawala na si Nanay. Yun daw ang sabi ng Doctor. Syempre hindi pa ako handa noon. Sobra akong nasaktan. Bigla ako umiyak ng malakas habang sinasabi ko: “Ayoko pa…Hindi pa ako handa…Ayaw ko muna…Ayoko…” Halos nahirapan ang ate ko sakin na awatin ako. Iyak ako ng iyak. Hindi ko matanggap. Kumbaga kaya ko pinagpatuloy ang pag-aaral ko ng college dahil gusto ko sorpresahin si Nanay. Gusto ko siyang bigyan ng honor na isa man lang sa siyam niyang anak nakapag graduate sa college at pinakitang hindi hadlang ang kahirapan sa pagtupad ng pangarap.


*hindi pa tapos dahil sobrang sakit pa kapag naaalala ang mga pangyayaring matatawag na "memories" na lang...



* Ipagpapatuloy… 

Mga kasunod na bahagi:

 *Yellow Bell
*Red Wine
*White Lies
*Blue Rose
*United Color

Wednesday, January 9, 2013

Kape't Pandesal



Paano ko nga ba makakalimutan ang isang tasang kape at ilang piraso ng pandesal?


Maaga pa lang ay ginigising na ako para kumain ng mainit na pandesal. Mas pinili kong ipagpatuloy na matulog kaya lagi na akong tanghali kung nagigising. Paggising ko ang unang-unang makikita ko ay isang balot ng pandesal sa aking tabi-na sinadyang inilaan para sa'kin. Sisimangot ako kapag alam kong kakain akong mag-isa.

                   "Kanina ka pa namin ginigising ah. Ayaw mo namang bumangon." yun ang lagi nilang katwiran.

Sisimangot ako at itatapon ko ang pandesal.
                 
                   "Ang daya nyo ! Di na nga ako kakain."

Ganun ako lagi kapag nauuna silang kumain sakin. Kapag naman may pasok ako sa school, syempre maaga na akong nagigising. Ako naman ang taga-timpla ng kape ni Tatay. ‘Di rin sya kakain hangga’t ‘di ko siya titimplahan ng kape. Ganun sya araw-araw. Kape’t pandesal lang ang laging laman ng kanyang sikmura.

Isang araw, walang nagtinda ng pandesal kaya bumili na lang si Nanay ng tinapay. Nang maibigay na nya yun kay Tatay ay ayaw naman na kainin. Hindi raw nya gusto. Pihikan kasi sa pagkain.

                   “Tinapay lang, ayaw kainin. Magrereklamo pa. Hay naku! Ang arte-arte talaga nyang Tatay mo.” Reklamo ni Inay.

Tiningnan ko ang tinapay at inamoy. ‘Di naman panis.

                   “Tay, bakit ayaw mong kainin ang tinapay na binili ni Nanay?”

                     “Ayoko. May amoy eh.”
                   “Bibilhan na lang kita ng iba.” Suhestyon ko pa.
                    “Hindi, ‘wag na. Magkakape na lang ako.”

Halos ilang linggo rin na walang rasyon ng pandesal sa amin. At sa loob ng linggong yun, isang beses lang sa isang araw na nakikita kong kumakain si Tatay.

                   “Kahit ‘di ako kumakain, malakas pa naman ako, ah!” yun ang lagi niyang sinasabi sa’kin. Pero hindi mawala sakin ang pag-aalala sa kalagayan niya. Minsan, dumating ako galing school at nadatnan ko siya sa bukid. Ubo siya ng ubo. Walang tigil. Nilapitan ko siya. Hinaplos-haplos ko ang likod niya. Nararamdaman kong hirap na hirap na siya. Pinaalis niya ako.
      
                    “Sige na. Iwan mo na ako.”
                    “Tay.......” nag-aalalang tawag ko.
                    “Ayos lang ako, anak.”

Nang sumunod na araw, parang matamlay siya. Halatang pinapasigla niya ang kanyang boses at mga kilos. Minsan, tatanungin ko siya.

                   “Tay, ba’t ‘di kayo magpadoktor?”
                   “Ayoko, anak. ‘Yang mga doctor na yan, peperahan lang tayo nyan. Sisingilin tayo ng mahal at reresetahan ng mamahaling gamot. Naku!Niloloko lang ng mga yan ang mga tao.” Iyon ang lagi niyang katwiran. Kaya hindi na naming siya mapilit. Masyado kasing pilosopo ang Tatay ko. May sarili siyang pinaniniwalaan.
                   “At isa pa, wala akong sakit. Tingnan mo naman, malakas na ako!” masigla pa niyang sabi sa’kin. Simula nung araw na yun ay lagi na siyang masigla at pinapakita niyang malakas siya.

                   Isang araw, nakalimutan kong timplahan siya ng kape at sabayan kumain. Maging nung nakaraang gabi ay mas nauna akong natulog sa kanya. Dapat ay sabay kami pero hindi ko alam kung bakit hindi ko siya nahintay. Hindi na rin kami nagkasabay kumain ng pandesal. Nasa school ako at naalala kong hindi siya nakakain nang dahil sakin. Wala ring dumaang nagtitinda ng pandesal. Ang natira kong kaunting baon ay ibinili ko na lang ng isang malaking tinapay para sa kanya. Pasalubong ko sa kanya para makakain na siya.

                   Sabik akong umuwi. Inisip kong pagdating ko ay ipagtitimpla ko kaagad siya ng kape para makakain na. Nang makarating na ako sa amin, agad kong kinuha ang pasalubong kong tinapay at masayang pumanhik. Nawala ang ngiti ko sa aking mga labi. Hindi ko namalayan na nabitawan ko na ang bitbit kong tinapay. Naramdaman ko na lang na sunod-sunod na pumatak ang aking mga luha.

                   “Tay,..... gusto mo...... ipagtimpla kita....... ng....... kape?” paputol-putol kong tanong. “M-May dala akong tinapay para sa’yo....”nahihirapan kong sabi sa kanya. Hanggang sa hindi na ako nakapagsalita. Humagulgol na ako. Masakit na masaki ang aking dibdib. At tinanong ko ang Diyos: “Bakit?”

                   Muli ay napaiyak ako. Wala ng kakain ng pandesal at iinom ng kape tuwing umaga...Sapagkat wala na ang pinakamamahal kong Tatay...wala na siya habang buhay.-----


originally written: May 6, 2004