Welcome to my blog, hope you enjoy reading
RSS

Pages

Sunday, September 9, 2012

UPOD-SINDI





Quiapo Church.

Mag-isa lang ako kanina...
habang nakatayo ako at kumakanta ang lahat ng "AMA NAMIN", nagpaflashback ang lahat sa isip ko...
Paunti-unti hanggang sa naging dumalas na.
Para siyang slideshow ng pictures.

Tuloy-tuloy ang kanta...
at tuloy-tuloy din ang alaala...

Minsan nagigising ako sa madaling-araw,
naririnig ko si Nanay na umiiyak habang nagdadasal...
Hinihiling niya sa Kanya na 'wag pababayaan ang kanyang mga anak na nasa malayo...

Naramdaman ko ang sakit.
Matagal tagal din siyang humihikbi habang nananalangin.
Madalas yun mangyari.
Pag alam niyang tulog ang lahat.
Pero hindi niya alam nagigising ako.
At hihintayin ko syang matapos at tumabi sakin sa pagtulog.
Pag tumabi na sya sakin,
makakatulog na ako ng mahimbing....

Pero hindi natapos dun.
Hindi natigil ang kanyang panalangin...
Ang tanging dasal niya para sa mga anak niya...
At Kapag naaalala ko yun, hindi ko mapigilan ang lumuha...

Sa ngayon,
Kahit papano, tinupad ko naman ang pangako kong hanapin at pagbatiin ang mga anak nya...
Kahit huli na ang lahat...


Hindi pa rin natatapos ang kanta...


Naalala ko si Tatay,
He wanted to live a long life but he decided to give it up.
Nahihirapan sya.
Nakadextrose.
Naka-oxygen.
Sa white room.
Pinipilit niyang habulin ang hininga nya..
Pinipilit niyang tingnan ang mukha ko...
at nakikita ko sa mukha nya ang hirap at sakit...

Ang sakit nun.
Dun ko sinimulang kasuklaman ang white room.
Na-trauma ako.

Kasi ang unang beses na pagpunta ko sa white room at nakikita siyang ganun, yun na rin pala ang huli...
Umiyak ako.
Mag-isa.
Kasi sabi nya pag namatay daw sya di daw  kami dapat umiyak.
Dapat daw maging masaya kami.

Sinunod namin ang bilin niya.
Di kami umiyak sa libing nya.

Pero alam mo masakit dun?
Tipong sasabog ang dibdib mo sa sakit at di ka makaiyak para lang matupad ang bilin niya?

Sinimulan kong kasuklaman ang kape.
Ang paborito nyang inumin sa umaga.
Hindi na ako uminom nun. Nagsusuka ako. Nagtatae.
Marami nga nagtanong sakin dati sa pub, bakit daw sa lahat ng writer ako lang ang hindi umiinom ng kape?
Ang sagot ko: "Mapait eh..."
Hindi naman kape ang mapait...
Kundi ang mga alaala...

Sinimulan kong kasuklaman ang yosi.
Ang paborito niyang past-time.
Paborito niyang dessert.
Merienda. Hapunan.

Naalala ko ang kuya ko ,
Simula nung nakita ko siyang nag-yosi,
madalas kami nag-aaway.
"gusto mo rin ba mamatay?"
ang pilosopong sagot: :"Kung mamamatay, eh di mamamatay."
Simula nun,..binibilhan ko na sila ng yosi.
Bahala na sila sa buhay nila.

Hindi ko alam kung dapat ko bang sisihin ang yosi sa nangyari.
Pero sabi ng doctor, yun ang dahilan kung bakit maagang nawala si Tatay.
Ang lungs niya, nilamon na ng usok nang hindi nya namamalayan.
Sinira ng nicotina paunti-unti...
Hanggang sa nag-collapse na ang lungs nya...
Hindi na kinaya...
Wala na.
Para akong naupos nun.

At sa bawat usok na nalalanghap ko, bumabalik ang panibagong sakit,...
Nagiging sariwa ang sugat.

At sa bawat subok kong hithitin ito,
andun ang pag-asang kaya ng tanggapin ng katawan ko ang usok,
katumbas ng pagtanggap na ang reyalidad ng buhay ko
ay wala na sila.

Kundi isang usok na nagpapaalala.
Hindi para masaktan ako.
Kundi para lalong tumibay ang puso ko.
At sa bawat hithit-buga ng buhay,
Hindi na ako mauupos.




Custom Search