“PINK
SHADOW”
Kinamumuhian ko ang kulay pink. Sino ba
naman ang magkakagusto sa ganung klaseng kulay. Maputla. Mapusyaw. Kaiba.
Mahina. Weirdo. Simbolo ng pagiging sobrang feminista.
Makakita lang ako ng pink dati eh halos masuka
na ako. Lagi akong kontra sa pink. Ano pa-girl? Pa-virgin effect? Halos
kilabutan ako sa kulay na yun. Hindi kagaya ng paborito kong kulay na red.
Sobrang tapang, malakas ang dating at makapangyarihan. Iyon ang kulay na gusto
ko. Ang nagsisimbolo sa katauhan ko. Yung tipong kulay na hindi basta basta
natitinag. Yung walang soft side.
Naalala
ko nung nasa second year high school ako . Sobrang makulay ang buhay ko. Simple
ang pamumuhay namin. Sabihin na nating mahirap kami. Tatlong beses kumain sa
isang araw ay sapat na. Ang nanay ko nag eekstra lang sa paglalaba. Ang tatay
ko minsan karpintero, panday, magsasaka, albularyo, manghihilot o kahit anong
trabahong alam niya ay pinapasok niya. Wala
na akong mahihiling pa basta ang alam ko kami ang pinakamasayang pamilya.
Tandang-tanda ko pa. Pauwi ako noon galling sa school.
May dala akong pasalubong na tinapay kay Tatay. Katatapos lang naming magsimba.
Naging choir kasi kami sa simbahan. Nagdasal ako ng taimtim ng araw na yun.
Hiniling ko sa Diyos na sana bigyan pa niya ng mahabang buhay ang mga magulang
ko para matagal ko pa silang makakasama. Para makita nila ang pagpupursige ko
sa pagtupad ng aking pangarap. Wala akong ibang inspirasyon sa buhay kundi sila
lang.
Pagdating
ko sa bahay binigay ko agad ang pasalubong kong tinapay kay Tatay. Nagtaka ako
kung bakit hindi niya yun kinain agad. Nung gabi ring yun ay nauna akong
natulog kesa sa kanila. Sa sobrang himbing ng tulog ko ay bigla akong nagising.
Isang nakakabahalang boses ni Nanay. Napabalikwas ako ng bangon habang
naririnig ko ang malakas na ungol ni Tatay. Hindi ko na maexplain ang garalgal
na boses ni Nanay habang ginigising nya si Tatay. Bigla na rin akong hindi
makagalaw sa aking kinatatayuan. Nakita ko ang unan ni Tatay, punong-puno iyon
ng dugo. Sobrang sakit ng nararamdaman ko noon. Halong pangamba, pag-aalala,
takot at lungkot ang naramdaman ko. Halos gumuho ang buhay ko.
Sobrang sakit. Walang kasing sakit nung
iniwan kami ni Tatay. Yun ang kauna-unahang heartbreak ko.
“BLACK
AND WHITE”
Wala na akong kilalang ibang kulay
bukod sa black at white. Simula nung nawala si Tatay, itinago ko na at
kinalimutan ang kulay red. Kinasusuklaman ko na ang kulay na yun. Ni sumagi sa
balat ko ay nasasaktan ako. Kapag nakakakita ako ay sobrang sakit sa aking mga
mata. Napapaluha ako. Simula nun, tinanggal ko na sa color wheel ang kulay red.
Buong buhay ko ay tila naging black at white lang lahat.
Halos
nawala na ang masayahing ako. Lahat ng pangarap ko ay biglang naglaho sa isang
iglap. Ang pagiging writer ko ay napasawalang kwenta. Hindi na mababasa pa ni
Tatay ang bawat akda ko. Wala na rin akong lakas pa para tumakbo. Kumalas na
ako sa running team. Pati sa softball, wala na akong lakas pa para humataw ng
bat at tumakbo. Pati sa classroom- ang bawat exams ko ay tipong black and white
na rin. Buong silid. Mula sa white board at mga upuan. Kurtina at mga
decorations sa loob ng room. Nako color blind ako. Ang tingin ko sa red ay
itim.
Grumaduate
ako sa high school na masama ang loob. Commencement exercise na noon at
awarding. Lahat ng mga magulang ng classmates ko andun na lahat. Medals nila na
sagot ng sponsor ay nakaready na. Samantalang ako nagkandahaba haba ang leeg ko
sa pag-asang dumating si Nanay. Wala akong nakikitang pag-asa habang papalapit
ang awarding ceremony.
Naiiyak
ako habang naaalala ang pangarap ko noon. Sabi ko kay Tatay noon: “Tay, pag
grumaduate ako ng high school, gusto ko ikaw ang aakyat sa stage. Ikaw ang
sasabit ng medal ko ha?”. Agad naman pumayag si Tatay noon kaya lalo ako
nagpursige sa pag-aaral. Kasi alam ko sobrang proud niya sa bunso nya. Alam ko
na sa tuwing may sinusulat ako sa dyaryo ng school namin ay pinagmamalaki niya
yun sa mga kaibigan niya.
Hindi
ko makalimutan noong unang pagkakataong narelease ang first issue namin ng
school paper. Nagkakape siya noon at gusto ko siyang sorpresahin. Binigyan ko
siya ng school paper namin. Ang hindi niya alam, isa ako sa mga staff writer
nun. Hinayaan ko siyang mabasa niya ang sinulat ko. Palihim ko siyang
sinulpayan. Doon ko nakita ang super proud niyang pakiramdam at masaya niyang
mukha. Tinawag niya ang kuya ko at ipinabasa niya ang sinulat ko. Bawat taong
pumasok sa bahay namin ay pinapabasa niya ng school paper. Tsaka nya
babanggitin na: “Writer ang anak ko dyan.”
Pumatak
na ang luha ko. Aakyat ako sa stage na wala siya. Hindi na niya nabasa pa ang
bawat tulang sinulat ko at bawat akdang napanalunan ko. Hindi na niya nakita
ang bawat medalyang maiuuwi ko. Tinawag na ako ng adviser namin. Hinahanap na
ang magulang ko. Sabi ko wala pa. At kapag walang dumating, siya na lang ang
proxy. Pumayag naman siya.
Halos
maiyak na ako sa nararamdaman ko nun. Pero hindi ako nagpahalata. Malapit na
akong tawagin pero wala pa rin ni isa sa pamilya ko ang dumating. Hindi ko
maintindihan kung bakit nasasaktan ako kapag nakikita ko ang mga classmates ko,
kumpleto ang pamilya nila nung araw na yun. Andun ang mga magulang nilang
sobrang supportive sa kanila. Ako ni isa man lang, wala.
Nung
tinatawag na ako para umakyat sa stage, tsaka ko nakita ang Kuya ko na
nagmamadali. Siya na ang nagproxy kay Nanay. Naging hindi yun memorable para
sakin. Umakyat lang kami sa stage. Sinabitan ng medal. Ngumiti kahit hindi
Masaya. Nagpapicture. Yun lang para matapos na. Pag-uwi ko ng bahay, kung ang
mga kaklase ko ay pinaghandaan ng mga pamilya nila, sakin walang nangyari. Pang
aasar pa ng Kuya ko ang natanggap ko. Pinaalala nila na hindi man lang si Tatay
ang nagsabit sa akin ng medal. At kahit paborito akong anak ni Tatay, ni minsan
hindi siya umakyat sakin sa stage. Bigla na tumulo ang luha ko at hinagis ko
ang medal sa sama ng loob.
“GREEN-MINDED”
Mabilis
na lumipas ang panahon. Andami na ring nangyari sa buhay ko simula nung high
school. Sobrang haba pa pag kinuwento ko pa. To make the story short, after 7
years doon ko sinimulang mahalin ang kulay green.Hindi ko naman inakala noong
una na sobrang mamahalin ko ang kulay green. Hindi naman kasi talaga ako
green-minded na tao.
Hindi
ko lang makalimutan ang unang pagkakataong nakita ko siya. Napatingin ako sa
kanya sa kulay green niyang jacket. Tiningnan ko ang panloob niyang damit at
naka T-shirt siya na kulay green. Napatingin ako sa paa niya at nakita ko ang
tsinelas niyang green. Pati ang kulay ng bag niya ay green. Nung uso pa ang
Friendster nun pati profile niya ay kulay green. Nagtataka nga ako kung bakit
ang bawat buga niya ng usok ay hindi kulay green.
Suplado
siya at tahimik. Bihira magsalita. Samantalang ako naman ay maingay at
masayahin. Hindi niya ako pinapansin nung panahon na yun kaya hindi ko rin siya
pinapansin. Kapag hindi niya ako kinausap ay hindi ko rin siya kakausapin.
Parehas kaming working student. Pero magkaiba ang mundo namin. Mayaman sila at
mahirap kami. Nag-aaral siya sa private school, ako sa public lang. Nagpatuloy
ako sa pag-aaral ko at siya naman ay tumigil. Dancer siya sa school nila,
writer naman ako. Mahilig siya sa party, konyo type samantalang ako manang na
jologs. Hindi ko inaasahan na paggising ko isang araw ay magkaibigan na kami.
Hindi lang simpleng kaibigan kundi
naging super close.
Magkaofficemate
kami sa isang green-minded na trabaho. Pang-umaga ang shift ko habang siya
naman ay panggabi. 5am hanggang 2pm ang pasok ko habang siya naman ay 3pm
hanggang 12mn. Pero nagpapang abot kami ng shift dahil nageextend siya ng oras.
Hinihintay nya kami hanggang uwian. Madalas almost 24 hours na siya sa office.
Halos dun na siya natutulog. Spoiled brat kasi at puro parties ang alam.
Happy-go-lucky na hindi mo alam kung bakit rebelde sa mundo. Akala mo kung
sinong astig.
Naalala
ko pa nun ang sabi niya sakin ay 21 years old na siya. Huli ko na nalaman na 18
years old pa lang pala siya noon. Tinatawag niya akong “Ate” nung una. Pero
nung katagalan wala na. First name basis na lang. Nagising na lang kami isang
araw na sobrang close na sa isa’t isa. Naging magbestfriend kami.
Hindi
ko siya makalimutan sa lahat ng kaibigan ko. Siya ang naging supporter ko: sa
financial na usapin, sa emotional, psychological,physical at mental. Sa lahat
ng panahon andyan siya. Ni hindi ko naramdaman na iniwan niya ako sa ere. Yung
mga panahong nagsara ang kumpanya ay hindi siya nakalimot. Nung mga panahong
namatay ang Nanay ko siya ang unang taong gustong damayan ako.
Isa
din yun sa pinakamasakit na nangyari sa buhay ko ang pagkawala ni Nanay.
Nagbakasyon kami nun sa probinsya after 6 years kong pananatili dito sa
Maynila. Yun ang unang uwi ko samin pagkatapos kong grumaduate ng high school.
Hindi ko inakalang yun din pala ang una’t huling pagkakataong makita at
makasama ko si Nanay pagkatapos ng ilang taon kong pagkawala.
Isang
buwan ang nakalipas pagkagaling namin sa probinsya. Nagtext ang mga Kuya ko na
nagkasakit si Nanay. Syempre lahat ginawa namin para mabuhay siya.Dinala namin
sa isang private hospital. Dun mismo sa bayan. Bumalik na naman sa puso ko ang
takot at pangamba. Mahirap sa case ko kasi nag-aaral ako at nagtatrabaho. At
pinakamasakit na part yung tipong hindi ko man lang maalagaan ang sarili kong
Nanay. Kagaya ng sabi ko noon sa kanya: “Nay, ‘pag matanda na kayo, hayaan mong
ako naman ang mag-alaga sa inyo…”
Hindi
ko makakalimutan kung paano ako naging hysterical sa buong buhay ko. Tinawagan
ako ng Nanay Nanayan ko na ihanda ko ang aking sarili kasi anytime mawawala na
si Nanay. Yun daw ang sabi ng Doctor. Syempre hindi pa ako handa noon. Sobra
akong nasaktan. Bigla ako umiyak ng malakas habang sinasabi ko: “Ayoko pa…Hindi
pa ako handa…Ayaw ko muna…Ayoko…” Halos nahirapan ang ate ko sakin na awatin
ako. Iyak ako ng iyak. Hindi ko matanggap. Kumbaga kaya ko pinagpatuloy ang
pag-aaral ko ng college dahil gusto ko sorpresahin si Nanay. Gusto ko siyang
bigyan ng honor na isa man lang sa siyam niyang anak nakapag graduate sa
college at pinakitang hindi hadlang ang kahirapan sa pagtupad ng pangarap.
*hindi pa tapos dahil sobrang sakit
pa kapag naaalala ang mga pangyayaring matatawag na "memories" na lang...
* Ipagpapatuloy…
Mga kasunod na bahagi:
*Yellow Bell
*Red Wine
*White Lies
*Blue Rose
*United Color
Mga kasunod na bahagi:
*Yellow Bell
*Red Wine
*White Lies
*Blue Rose
*United Color
0 comments:
Post a Comment